Marahil inyo nang nabasa o nalaman ang tungkol sa Beeinfotech PH. Kami ay nagpapasalamat sa positibong pagtanggap ng industriya at ng mga kliyente. Maraming salamat sa inyong pagtitiwala.
Ngunit sa pagkakataong ito, nais naming bigyan ng malalim at dibdibang paliwanag ang aming misyon na pagiging telco neutral data center. At sa pamamagitan ng wikang Filipino ay mabigay ng Beeinfotech PH ang mas maliwanag na mensahe.
Una sa lahat, nais naming ipabatid sa kasama namin sa industriya na kami ay tunay na hindi kalaban, kaaway o katunggali. Oo, tayo ay nasa negosyo ng pagkamit ng kita, ngunit aming batid na ang data center ay isang komersyo na hindi kailangang magtagisan ang isa’t isa. Di gaya ng ibang komersyo na pipili ka sa isa laban sa isa pa, ang data center ay itinayo para maging isang malakihang komunidad para magtulungan ang lahat ng pasilidad.
Tignan nating halimbawa ang mga industrial park. Sa isang parke ng magkakasamang industriya, lahat sila kung tutuusin ay magkakalaban sa merkado, ngunit bakit sila’y nagdikit dikit at nagbuklod?
Dahil yan sa reyalidad na mayroon silang magkakahalintulad na pangangailangan, seguridad at pasilidad kaya sila nagsama sa iisang lugar. Nakita nila na may mga bagay na dapat nilang pagtulungan para maka tuon sila sa ibang aspeto ng kanilang negosyo gaya ng pag disenyo ng natatanging produkto.
Sa ganiyang kadahilanan na aming inihahandog ang Beeinfotech PH data center sa lahat. Aming gustong pagsama samahin ang lahat ng telekomunikasyon, nagbibigay ng serbisyo ng internet, mga malalaking kumpanyang pang teknolohiya dahil aming batid na may magkakaparehong pangangailangan, at kapag nagsama sama, makakatipid sa gastos, magkakaroon ng magandang interaksyon, mas mapapaganda ang serbisyo sa publiko. 'Yan ang aming misyon.
Ang kalaban ay hindi ang isa’t isa, kundi ang mga problema ng mga negosyo sa ating bansa.
Noong pinagsama sama kami ng aming ama sa industriya na si Reynaldo Huergas, inisip namin na kung parehong produkto o negosyo ang aming ilalabas ay huwag na lang namin itong ituloy. Ngunit naramdaman ng lahat na kailangan ng bansa ang isang pook na maaaring magsama ang lahat at magkaroon ng tunay na tulungan, kaya nabuo ang Beeinfotech PH.
Inaanyayahan namin ang lahat ng telcos, ISPs, SIs at kahalintulad na negosyo na maghimpil ng kagamitan sa pasilidad. Aming sisiguruhin ang pantay na pagtrato sa lahat at walang lamangan, mapa koneksyon man yan, seguridad o lokasyon. Sa mga nagdududa, humihingi kami ng bukas na pang unawa at bigyan ng pagkakataon ang aming layunin na maging matagumpay.
Kooperasyon hindi kumpetisyon, partnership agreement hindi battle card, yan ang aming iiwanang panghuling mensahe.
Maraming salamat po.
Comentarios